Nasawi ang dalawang sundalo matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects sa Crossing Simuay Junction, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Kinilala ang mga nasawi na sina Private Egie Boy Buta, 25-anyos, at Private Jay-r Nacin Gregorio, 29-anyos. Kapwa sila miyembro ng 40th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinusundan umano ng dalawang suspek na sakay ng itim na Honda Click ang mga biktima na noon ay sakay ng Yamaha Aerox bago sila pinagbabaril gamit ang hinihinalang kalibre .45 na baril.
Agad namang nagsagawa ng pagtugis ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang hinihinalang salarin.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na motibo sa pamamaril.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye sa likod ng karumal-dumal na insidente.










