Nasa maayos nang kalagayan ang isang sanggol na lalaki matapos matagpuang iniwan sa loob ng isang basket sa Diversion Road, Barangay Tamontaka II, Cotabato City.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng mga social worker ng Cotabato Regional and Medical Center o CRMC ang sanggol matapos dalhin sa ospital para sa pagsusuri at agarang atensiyong medikal.
Batay sa ulat ng Police Station Three, dakong alas-sais kuwarenta y singko ng gabi nang marinig ni Akmad Salicula Malod, limampu’t tatlong taong gulang, ang pag-iyak ng isang bata habang pauwi sakay ng motorsiklo.
Nang alamin ang pinagmumulan ng iyak, nakita niya ang sanggol sa loob ng basket na nakapatong sa isang mesa sa tabi ng saradong bahay.
Nakabalot sa malong at nakasuot ng puting damit ang sanggol. May nakita rin sa tabi nito na bag na naglalaman ng gatas ng sanggol at isang sulat-kamay na humihiling na may mag-ampon dito.
Agad na rumesponde ang mga pulis at isinugod ang sanggol sa ospital. Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa City Social Welfare and Development Office o CSWDO para matiyak ang wastong pangangalaga at proteksiyon sa bata, alinsunod sa Republic Act 11767 o Foundling Recognition and Protection Act.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya. Sinusuri na rin ang mga CCTV footage sa lugar upang matukoy kung sino ang nag-iwan sa sanggol at makilala ang mga biyolohikal nitong magulang o kamag-anak.










