Mariing kinondena ni Bangsamoro Transition Authority Parliament Speaker Mohammad S. Yacob ang iniulat na pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa kaniyang pahayag, nagpahayag ng pakikiramay at panalangin si Yacob para sa mga nasaktan at iba pang naapektuhan ng insidente, gayundin sa kanilang mga pamilya. Hiniling din niya ang agarang paggaling ng mga sugatan.
Binigyang-diin ng BTA Speaker ang matagal nang pagkakaibigan at ugnayan ng Saudi Arabia at ng mamamayang Bangsamoro. Ayon sa kaniya, mahalagang mapanatili ang pagkakaisa at pagtutulungan ng dalawang panig, lalo na sa panahon ng ganitong mga pangyayari.
Iginiit din ni Yacob na dapat manaig ang diyalogo, paggalang, at mapayapang pag-uusap sa halip na karahasan. Aniya, mahalaga ang mga ito upang mapangalagaan ang buhay ng mga mamamayan at mapanatili ang kapayapaan at seguridad.
Nagpahayag din ng pakikiisa ang kaniyang tanggapan sa pamahalaan at mamamayan ng Saudi Arabia, kabilang ang mga Pilipino at Bangsamoro na naninirahan at nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Sa pagtatapos ng pahayag, nanalangin si Yacob na pagkalooban ng Allah ng lakas at kapanatagan ang mga naapektuhan, mabilis na paggaling ang mga nasugatan, at patuloy na kapayapaan ang Saudi Arabia at ang buong Muslim Ummah.










