Binigyang-diin ng tatlong mambabatas ng Bangsamoro Transition Authority o BTA ang pangangailangang magkaisa at ipagpatuloy ang paglilingkod sa mamamayan sa pagpasok ng regular na Bangsamoro Parliament.
Sa sesyon ng BTA nitong Lunes, Oktubre labing-siyam, hinikayat nina MP Abdulbasit Benito, MP Michael Midtimbang, at MP Mosber Alauddin ang mga susunod na mambabatas na isantabi ang pagkakaiba sa pulitika at ituon ang kanilang mga gawain sa kapakanan ng Bangsamoro.
Nagpasalamat si MP Benito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsuporta sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro at sa pagkilala sa kalayaan ng Parliament na bumuo ng sariling pamahalaan.
Samantala, pinaalalahanan ni MP Midtimbang ang mga papasok na miyembro ng Parliament na dapat pantay ang pagtrato sa lahat ng mamamayan, anuman ang kanilang partidong kinabibilangan.
Para naman kay MP Alauddin, ang pagiging mambabatas ay isang amanah o tungkuling dapat gampanan nang may katapatan at pananagutan. Binigyang-diin niyang ang paglilingkod ay hindi lamang para sa mamamayan, kundi isang responsibilidad din sa harap ni Allah.
Nasa huling linggo na ng sesyon ang BTA Parliament, kasabay ng pagtatapos ng pitong taong transisyonal na pamamahala. Sa nalalapit na pagbuo ng regular na Parliament, inaasahang magpapatuloy ang mga programa at repormang nakatuon sa kapayapaan at kaunlaran ng Bangsamoro.










