Nasamsam ng mga awtoridad ang mga ipinuslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso sa isinagawang operasyon noong Sabado, Oktubre labimpito, sa Sambulawan Street, Barangay Dapiawan, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Narekober ng mga operatiba ang dalawampu’t siyam na master case na naglalaman ng isang libo apat na raan at limampung ream ng Cannon Menthol cigarettes. Nakabalot ang mga ito at iniwan sa gilid ng kalsada.
Tinatayang nagkakahalaga ng isang milyon, dalawang daan at apatnapung libo, pitong daan at tatlumpu’t anim na piso ang mga nasamsam na sigarilyo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang may-ari ng mga produkto at ang mga posibleng sangkot sa pagpupuslit.
Pinangunahan ang operasyon ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station, katuwang ang Regional Intelligence and Anti-Illegal Drugs Task Group–Regional Intelligence Division ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region.










