Lumagda sa isang Memorandum of Understanding o MOU ngayong Martes, Oktubre trese, ang Ministry of Public Order and Safety o MPOS-BARMM at Mediators Network for Sustainable Peace, Incorporated o MedNet upang higit pang palakasin ang mapayapang paglutas ng mga alitan sa mga komunidad sa Bangsamoro region.
Sa ilalim ng kasunduan, layunin ng dalawang organisasyon na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga lokal na tagapamagitan sa pagresolba ng mga sigalot sa pamamagitan ng diyalogo at maayos na pag-uusap. Kabilang sa kanilang mga prayoridad ang pagtugon sa mga kasong may kaugnayan sa rido o alitan sa pagitan ng mga pamilya at angkan, upang maiwasan ang karahasan at mapanatili ang kapayapaan sa mga komunidad.
Samantala, plano rin ng MPOS-BARMM at MedNet na pag-aralan ang mga susunod na hakbang sa ilalim ng Enhanced Dispute Resolution Management Processes o EDRMP upang higit pang mapalawak ang kanilang mga programa sa paglutas ng mga alitan. Inaasahang sa pamamagitan ng pagtutulungang ito, mapalalakas ang kakayahan ng mga lokal na tagapamagitan at mahihikayat ang mas maraming komunidad na gumamit ng mapayapang paraan sa pagresolba ng mga sigalot tungo sa mas ligtas at nagkakaisang Bangsamoro region.










