Nagkaloob ang Ministry of Labor and Employment o MOLE-BARMM ng mahalagang pinansyal na tulong at mga gamit sa paaralan para sa animnapu’t apat na kabataang bulnerable mula sa lalawigan ng Maguindanao del Sur at Special Geographic Area o SGA. Isinagawa ang nasabing inisyatibo sa ilalim ng Bangsamoro Child Labor Sagip Program o BCLSP, na pinangunahan ng Bureau of Employment Promotion and Welfare ng naturang kawanihan.
Sa ilalim ng nasabing programa, bawat isa sa mga benepisyaryo ay tumanggap ng labing limang libong pisong financial assistance at limang libong pisong halaga ng mga school supplies upang matulungan silang makabalik at maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Ang natanggap na ayuda ay nakalaan para sa mga kabataang dating nalantad sa mapanganib at mahihirap na kondisyon ng maagang pagtatrabaho sa rehiyon.
Nagsimula ang pamamahagi noong October 8 para sa dalawampung kabataan sa Timanan at labing lima sa Looy, South Upi, katuwang ang Community Organizers Multiversity, pati na ang siyam pang benepisyaryo mula sa Datu Anggal Midtimbang, Datu Saudi Ampatuan, at Guindulungan. Nasundan naman ito noong October 9 kung saan dalawampu pang kabataan mula sa Old Kaabakan at Kadayangan sa SGA ang tumanggap ng kaparehong tulong, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng pamahalaang Bangsamoro na wakasan ang child labor at tiyakin ang karapatan sa edukasyon ng bawat kabataan.










