Arestado ang dalawang lalaki matapos maharang ang kanilang sasakyan na kargado umano ng tinatayang 642-libong pisong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isinagawang operasyon sa Matanog, Maguindanao del Norte. sa Sitio Marayag, Barangay Bayanga Norte. Isinagawa ang joint intelligence-driven at checkpoint operation kung saan isinailalim sa inspeksyon ang sasakyan ng dalawang suspek.
Kinilala ng Matanog Police ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Hamdala,” 26-anyos, at “Nosair,” 28-anyos, na kapwa residente ng Malabang, Lanao del Sur. Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga kahon ng sigarilyo na umano’y walang kaukulang dokumento. Kabuuang 750 reams o katumbas ng 15 kahon ng Fort cigarettes ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Tinatayang nasa 642-libong piso ang halaga ng mga nasabat na kontrabando. Nasa kustodiya na ngayon ng Matanog Municipal Police Station ang dalawang suspek, gayundin ang mga nakumpiskang sigarilyo, habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at inihahanda ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.










