Tiniyak ng Ministry of the Interior and Local Government o MILG-BARMM ang suporta nito upang maging ganap na operational ang bagong fire station sa Northern Kabuntalan, Maguindanao del Norte. Layunin ng Ministry na matiyak na mayroon itong sapat na kagamitan at iba pang pangangailangan upang maayos nitong magampanan ang tungkulin sa pagtugon sa mga insidente ng sunog at iba pang emergency.
Ayon kay MILG Minister Jordan Bayam, patuloy na tinitingnan ng Ministry ang mga kinakailangang kagamitan at iba pang pangangailangan ng bagong fire station. Hinikayat din ng opisyal ang mga lokal na opisyal na agad ipabatid sa MILG-BARMM ang anumang kakulangan na maaaring matugunan sa pamamagitan ng suporta ng Bangsamoro government. Sa ganitong paraan, mas magiging handa ang fire station sa pagtugon sa mga emergency.
Sinabi rin ni Minister Bayam na hindi lamang Northern Kabuntalan ang nangangailangan ng karagdagang pasilidad para sa kaligtasan. May ilan umanong bayan sa limang probinsya ng BARMM na nangangailangan din ng sariling fire station at police station. Dahil dito, tiniyak ng MILG-BARMM ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang kanilang mga pangangailangan at mapalakas ang serbisyong pangkaligtasan para sa mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.










