Nagkaroon ng pag-uusap ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP at Bangsamoro Grand Coalition o BGC upang humanap ng pagkakasunduan sa mga usaping pampolitika at makatulong sa pagpapanatili ng katatagan sa Bangsamoro. Ayon kay MP-Elect Atty. Sha Elijah Biruar Dumama-Alba, layunin ng naturang dialogue na makahanap ng mga posibleng hakbang upang mapanatili ang maayos na kalagayang pampolitika sa rehiyon. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipag-usap at pag-unawa sa kabila ng pagkakaiba ng mga partido. Ayon kay Dumama-Alba, ang BGC pa lamang ang partidong nakausap ng UBJP sa mga nakalipas na araw.
Gayunman, bukas ang UBJP sa pakikipag-usap sa iba pang partidong politikal, malaki man o maliit ang kanilang grupo. Sa pamamagitan ng ganitong mga pagpupulong, maaaring maibahagi ng mga partido ang kanilang pananaw at makahanap ng mga bagay na maaari nilang pagkasunduan para sa kapakanan ng Bangsamoro.
Ipinaliwanag din ni Dumama-Alba na nakatuon ang pag-uusap sa BGC sa paghahanap ng paraan upang magkaroon ng katatagang pampolitika sa Bangsamoro. Mahalaga ito upang magkaroon ng maayos na ugnayan ang mga partidong politikal at mas mapagtuunan ng pansin ang mga pangangailangan ng mga mamamayan. Sa patuloy na pakikipag-usap at pagtutulungan, inaasahang mas mapalawak ang pagkakaunawaan ng mga partido habang isinusulong ang kapayapaan at pag-unlad ng rehiyon.










