Nagbabala ang Cotabato City Police Office o CCPO sa publiko na huwag agad maniwala sa mga tawag na nagsasabing nanalo ng malaking premyo. Paalala ng pulisya, beripikahin muna ang impormasyon bago makipagtransaksyon o magbigay ng anumang personal na detalye.
Maging maingat din sa mga tumatawag na nagpapakilalang opisyal ng gobyerno, bangko, kompanya, o ibang ahensya. Huwag ibigay ang OTP, PIN, password, bank details, o magpadala ng pera kapalit ng sinasabing premyo.
Ayon sa CCPO, maaaring humingi ng tulong sa mga awtoridad ang sinumang nakatanggap ng kahina-hinalang tawag o naging biktima ng scam. Kabilang sa maaaring gamitin sa mga ganitong insidente ang RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at RA 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act.










